
Sumulat na ako ng mga pahayag, sa blog at sa note. Sumigaw sa mga bahay dagitab: sa friendster, facebook, twitter, yahoo messenger at multiply. Sa mga tambayan, sa salon nung nagpagupit ako ng buhok kamakailan, sa bakery habang pumipila sa pagbili ng pandesal, sa mga terminal ng sasakyan habang nagaabang ng pagkakataong makasakay, sa mga gimikan, sa loob ng dyip at sa mga establisyementong kainan, basta may kausap at kaibigan kasama, bubuksan at binubuksan ko ang tungkol sa napakainit na isyung ito. Kunya'y lalakasan ko pa ang boses ko para mahagip ang mga nakikiusyuso lang. Sa mga pulong sa mga organisasyon ko, sa simbahan o saan man, habang nagaabang ng mga dadalo, habang hindi pa nagsisimula, kaswal kong sinisimulan ang diskusyon.
At palagi. Inirerehistro ko ang mariin kung pagtutol sa nais nilang ipalusot ang Con-Ass na magpapadulas sa Charter Change ng Rehimeng ito. Tunay at Pundamental na mga Pagbabago ang nais ko, hindi ang Charter Change na magsisilbi lamang sa mga buwitre't buwaya't baboy at sa Pandak sa Palasyong, nangungunyapit sa kapangyarihang--- HINDI KANILA, KUNDI PAHIRAM NG MAMAMAYAN at dapat na magsilbi para sa interes ng MAMAMAYAN.
Idagdag ko pa pala: ang mga tugmang pumulas sa matabil kong dila, na nakalikha ng mga tulang, matalas at nakakasugat. Salamat sa sitwasyon dahil iniluwal mo ang makatang may katagalang ko na ding hindi nakakatagpo ngunit nagkukubli sa kasukalan ng aking pagkatao.
At oo, hindi din ako natapos sa simpleng daldal. Ang aking katabilan ay hindi nagkukubli sa likod ng telon. Hindi ako nagkasya sa kwento at sulat. Inilabas ko ang aking sarili. Naging bahagi ako ng mga malawakang pagkilos. Nagpakapaos ako sa kahabaan ng mga avenida't kalsada. Nagpakapagod sa paglalakad, nagpaulan nang walang alintana sa sakit na idudulot nito. Dahil mas dapat akong mangamba pag hindi ko napigilan at tuluyang napalusot ang Charter Change na niluluto ng Pekeng Pangulo.
At hindi ako magisa.
Marahil nga may mas marami pang nagagawa. May mas nakapagrehistro pa ng mas maraming blog, sulat, o nakapagorganisa ng mas pormal na panayam at talakayan. Tiyak ako, marami ang kagaya kong, lumalabas at lalabas, dahil RAMDAM namin, ang implikasyon ng mga maaring mangyari. At marami ang hindi magkakasya na lumabas lamang para sa sarili nila. Marami, nakatitiyak ako, ang lalabas, at magpapalabas din ng kanilang mga kaibigan, kaklase, kasintahan, karelasyon, kapamilya at iba pa, dahil dama nila ang pangangailangang palawakin ang bilang ng nasa kalsada, at ipakita ang mariing pagkadisgusto ng Bayan.
Subalit, aminin sa hindi, ang totoo, ay hindi ito sumasapat.
Hindi pa din natin mapantayan ang bilang ng mga lumabas sa kalsada nuong kapanahunan ng Unang Sigwa (1970).
Eh kasi bakit ba kailangang tumutol?Eh kasi bakit ba ang iingay ninyo wala pa namang maling ginagawa?Eh paano kung sa ikabubuti pala natin yun?Trabaho nyo lang talagang kumontra dahil Opposition kayo!Oo nga naman. Eh kasi, bakit nga ba?Tumututol ako, hindi dahil masaya lang tumutol. Tumututol ako dahil sinuri ko na hindi ito ang kailangan ng kapwa ko mamamayan. Lagpas sa pagaaksaya ng oras, pera at talento (?) ay nahubaran kong isa na naman itong pamamaraan para lansihin, lokohin, at lalo akong mapagsamantalahan.
Sobra na ang siyam na taong panunungkulan at ang mga kinasangkutan niyang mga
eskandalo, korupsyon at pagmamalabis. Palagi at palagi ko tuloy matatandaan ang sinabi ng isang ate: "Hindi lahat ng katatagan ay mabuti. Depende kung kanino ito nagsisilbi." Masyado nang naging matatag ang mga Pilipino, at ang katatagang ito'y nagbunga ng pamamanhid sa mga pasakit na ipinatong ng estado. Hindi na ito nagsisilbi para sa mismong masang api. Ang mga naghaharing uri na ang nakikinabang sa katatagang ito. Dahil kaya naman nating tanggapin ang lahat ng uri ng pangaapi't pagmamalabis, nakakapanatili sila sa pangaapi. Patuloy tayong matatag na bumubuhat ng kani-kaniyang krus natin, at hindi na nakukuha pang makibaka't tumindig sa sariling karapatan. Nakakalimutan na nating pumiyok at umaray. Hanggang ngayon, kahit patindi ng patindi ang krisis, at paigting ng paigting ang pasismo ng kasalukuyang Rehimen, ay nananatili tayong nagkukuyakoy sa loob ng ating mga tahanan, nagaatubili pang lumabas at lumahok sa kalakhang masang api, na nakikipaglaban para sa karapatan ng kanilang uri.
At lagpas pa sa pangungunyapit sa trono ng Malditang Reyna ng Republika ng Kleptokrasya, ay ang dagdag nilang probisyon para ibenta ang Pilipinas sa mga dayuhan.
Kung nakakapanginig at nakakapangalit na ang kasamaan ni Ramdam, na humigit pa sa kasamaang inabot at dinulo ng Rehimeng Diktadurya ni Marcos, higit dapat na, sa isyu ng pagbebenta sa Pilipinas, ay tumindig ka na at mariing tumutol, o baka pumapayag ka na lang naman talaga, sa kung bahala na kung anong mangyari... tutal, matatag ka naman sa mga pagsubok at mapagtatagumpayan mo din yan sa huli?
Ang likas yaman ng Bansa, kasama ang mga lamang dagat, karagatan, minerales, kabundukan, kalupaan, at lahat lahat na, ay puwede nang ariing kanila kahit hindi makipagsosyo sa isang Pilipino. Walang preperensiya, walang halaga kung ikaw ay mamamayan ng Pilipinas, mas mahalaga ang dikta ng Panginoong Pera.
Ikaw, at ang salin lahi mo, wala nang matatawag na inyo.
Pero hindi pa naman nangyayari yan ah, bakit tumututol ka na agad? Hindi pa naman napaguusapan ang mga probisyon ah? At ang lahat naman dadaan sa plebisito, hindi ba?At ano? Aasa ako sa himala na magbabagong buhay at magbabalik loob sa Diyos ang mga buwitre't buwaya't baboy na mga ito? Ayos nga naman kung magbabago at magpapakabait sila, hindi paghuhusga ang pagtutol ko sa mga ikinilos at ikinikilos nila. Pero kahit pa na magdilang anghel kayo na patuloy na kumakampi't nagtatanggol sa kanila, bahagi ng tunay na pagbabalik loob at pagpapatawad ang pagbabayad niya ng danyos, at pagtanggap sa nakaambang kaparusahan kapalit ng kanyang mga kasalanan sa Bayan.
Ang TRAPO ay TRAPO. Siyam na taon ang lumipas at hindi siya nagbago. Hindi na talaga siya magbabago. Bistado na natin dapat ang kulay ng kaluluwa niya. At kung kaninong kampon siya nabibilang. Sa maraming dugo ba naman sa kanyang mga kamay, sa mga dinukot at hindi na nakita at sa mga hayagang dinahas at pinatay, maipagkakaila pa ba ang tunay niyang kulay?
Kaya walang mabuting mapupulot sa pagtitiwala pang muli sa kanila. Gayong binigo na nila tayo, ng hindi isang beses kundi paulit-ulit. Eksakto! Kaya gusto pa nilang pahabain ang termino nila, para makatakas sila sa mga utang nila sa Bayan. At para magawa iyon, kailangan nilang umalyado, lunukin ang kakaunting dignidad na meron sila, at makipagkasundo sa mga dayuhan-- Dayuhan Imperyalista.
Pagbabago ang kailangan ng mga Pilipino. Pagbabago para sa Pilipino. Pilipino para sa Pagbabago. Mula sa Pilipino tungo sa Pilipino.
Tunay at Pundamental na pagbabago hindi Charter Change, na isang pagbabagong nagsisilbi lamang sa iilan, at sa dayuhan.
Bukas na.
Bukas na ang araw ng kaSONAlingan. Bibilugin na naman tayo ng Unanong de Nunal. Pababalatan ng mga istatistikang galing sa mga despalinghadong mga datos. Gagamitan ng teknolohiya ang paraan ng paguulat. Pamamanghain tayo sa PowerPoint Presentation. At ngingitian tayo ng pangasar, NOH?
(Napapailing-iling ako)
Nahubaran na nang maraming beses ang taktika niya, magpapadenggoy pa ba tayo?
Alam mo ang totoo.
Yun ang sikmura mong kumakalam sa kahirapan. Yun ang pagod mong mga binti kalalakad at kahahanap ng mapapasukang trabaho. Yun ang likod mong nananakit sa hindi makataong oras ng paggawa at hindi makataong pasahod. Yun ang lumalaking mangmang mong mga anak, dahil hindi mo na mapaaral. Yun din ang lumalaking mangmang na populasyon dahil kamangmangan ang itinuturo ng kasalukuyang sistema ng edukasyon. Yun ang namamatay ka sa simpleng ubo at sipon, dahil wala kang kwarta para bumili ng gamot, o di kaya'y magpakonsulta sa manggagamot.
At alam mo ang kaSONAngalingan.
Yun ang Ramdam ang Kaunlaran. Nino? Sino? Saan? Ano? Parang multo lang. O isang aparisyon. Nasaan?
Kaya sa CON ASS, na pampadulas CHA CHA, maniniwala ka pa bang para ito sa ikabubuti at kapakanan ng kalakhang masa? o ang kahubdan nitong katotohanan na magsisilbi lang ito para mas higit tayong mapagsamantalahan?
Bukas na.
Hihikab ka lang ba sa bahay mo?
o Hihiyaw na...
sa kahabaan ng Commonwealth, na magsisimula sa Tandang Sora na dudulo sa tapat ng Parokya ng St. Peter, kasama ang laksang masang gising at mulat. May taya at pakialam.
TUTULAN ANG CON ASS
HUWAG UMINDAK SA CHACHA ni GLORIA,
Kitakits tayo!
